Iginiit ni Philippine National Police (PNP) Chief Nicolas Torre III na nakahanda ang kanilang hanay upang matiyak daw ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa pagbubukas muli ng klase nitong Lunes, Hunyo 16, 2025.
Sa panayam ng media kay Torre, sinabi niyang nakatutok ang pulisya sa loob at labas ng mga paaralan upang maiwasan ang anumang krimeng may kinalaman sa mga estudyante.
“Loloko-lokohin mga bata, maya-maya niyan nanakawan na mga bata. Dahil syempre murang edad pa ang mga 'yan, musmos pa ang mga 'yan. Sa loob naman ng eskwelahan, we are coordinating with the schools, siguraduhin nating walang mga krimen na makakabiktima ng ating mga estudyante,” saad ni Torre.
Kaugnay naman ng usapin ng bullying sa loob at labas ng mga paaralan, nilinaw ni Torre na saklaw pa rin ito ng emergency hotline nilang “911.”
“Sa mga magulang, huwag n’yo na kaming hanapin sa mga presinto sapagkat kami ay nasa inyo ng mga telepono. Dial 911, darating kami sa loob ng limang minuto,” anang PNP Chief.
Nasa 37,000 kapulisan ang idineploy ng PNP sa buong bansa upang tutukan umano ang mga paaralan sa pagbabalik-eskwela kung saan ilang help assistance desk at mga rumorondang pulis din ang ang nakaantabay upang maiwasan umano ang krimen sa mga guro, magulang estudyante.
KAUGNAY NA BALITA: Balik-Eskwela, sasabayan ng deployment ng 37,000 pulis