Hindi nakaligtas ang batikang aktres na si Lotlot De Leon mula sa mga scammer, matapos niyang ibahagi ang kaniyang karanasan tungkol dito.
Natanong kasi ang cast members ng upcoming ABS-CBN series na "Sins of the Father" sa ginanap na media conference kamakailan sa isang mall sa Quezon City, kung nakaranas na ba sila ng scam o panloloko.
Sagot ng madir ni Janine Gutierrez, naranasan na niyang maloko sa pagbebenta niya ng boneless bangus.
Hindi biro ang nadekwat sa kaniya, na tumataginting na ₱80,000!
Salaysay niya, sumali siya sa isang food expo at may umorder sa kaniya ng bangus na worth ₱80,000. Binayaran naman daw siya ng manager's check kaya inakala niyang legit. Ibinigay naman daw nila ang order, at nang magtungo na sila sa bangko, napag-alamang peke ang tseke bagama't exisiting ang account number at pangalan ng may-ari.
Hindi na raw niya hinabol ang nabanggit na nang-scam sa kaniya.
Kaya paalala ni Lotlot sa media friends at sa lahat na rin, mag-ingat sa mga ganitong klaseng scam.