May "pabirong" panawagan ang mga netizen sa mga airlines patungkol sa "seat number 11A" ng mga eroplano, matapos ang pumutok ang balitang ang British national na nakaupo rito, sa bumagsak na Air India noong Huwebes, Hunyo 12, ay kaisa-isang survivor sa nabanggit na aksidente.
Anila, huwag naman daw sanang taasan ng airlines ang presyo ng plane ticket sa nabanggit na seat o slot.
Nadagdagan pa ang pagkamangha ng mga netizen tungkol sa seat number 11A nang sabihin ni Thai singer-actor Ruangsak James Loychusak na nakaupo rin siya sa seat number 11A nang maganap ang malagim na aksidente sa himpapawid na kaniyang naranasan noong 1998.
Na-shock si Loychusak na pareho sila ng seat number ng nag-iisang British national survivor sa nag-crash na Air India noong Huwebes, Hunyo 12, na kumitil sa buhay ng 241 pasahero nito.
Ang nabanggit na singer, ay lulan noon ng Thai Airways flight TG261 nang magkaaberya ito at bumagsak sa isang swamp kung saan marami ang namatay at nasugatan.
"Survivor of a plane crash in India. He sat in the same seat as me. 11A. My condolences to all those who lost," pahayag ng Thai singer nang malaman niya ang malungkot na balita.
KAUGNAY NA BALITA: Thai singer-actor na plane crash survivor, nakaupo rin sa seat number 11A noon!
Isa sa mga nakaligtas si Loychusak na nakaupo sa seat number 11A, upuan kung saan din nakaupo ang British national survivor na si Vishwash Kumar Ramesh.
Sa panayam kay Ramesh, ang upuan niya ay malapit sa emergency exit ng plane. Tumilapon palabas si Ramesh nang mahati ang eroplano bago ito tuluyang sumabog.
Marami tuloy sa mga netizen ang nagsasabing mukhang ligtas na upuan daw ang 11A kung sakaling bibili ng plane ticket.
Pero anila, huwag naman daw sanang "samantalahin" ito ng mga airlines at pagkakitaan.
Samantala, wala pa namang reaksiyon, tugon, o pahayag ang mga pamunuan ng airlines tungkol sa mga hirit ng netizen.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Ligtas nga ba?’ Seat number ng nakaligtas sa Indian plane crash, inintriga!