Rumesbak si Sen. Jinggoy Estrada sa naging pahayag ni House Spokesperson Princess Abante na kasalanan umano ng Senado na hindi natuloy ang umento sa sahod ng mga manggagawang nasa pribadong sektor.
Sa panayam ng media kay Estrada nitong Biyernes, Hunyo 13, 2025, pinuna niya ang pagiging baguhan ni Abante bilang tagapagsalita ng Kamara at iginiit na wala raw itong alam sa totoong isyu.
“Iyang si Abante, hindi nag-aaral ‘yan. Ke-bago-bago lang n’ya, dapat gumawa muna siya ng research bago siya pumutak nang pumutak diyan,” saad ni Estrada.
Depensa pa ni Estrada, matagal na raw nakabinbin sa Senado ang nauna nilang panukalang bigyan ng dagdag ang mga manggagawa bago pa man sumingit ang Kamara.
“Kasi isang taon ng naka-pending ‘yan bakit hindi nila inadapt ‘yon? Kung talagang seryoso sila, na gusto nilang tumulong sa ating mga manggagawa, dapat inadapt na nila, noon pa lang,” anang Senador.
Dagag pa niya, “Bakit sila magpapasa ng batas na P200 na two days before the sine die? Bakit?...Papogi lang sila. Mga nagpapapogi lang sila, tapos sisisihin nila yung Senado?”
Matatandaang noong Huwebes, Hunyo 12 nang iginiit ni Abante na mismong ang Senado raw ang kumitil sa panukalang dagdag na sa arawang sahod ng mga manggagawa.
“Let’s not sugarcoat it — the Senate killed the P200 wage hike bill. Last night was the final session of the 19th Congress. No bicam. No compromise. No wage hike. And the reason is simple: The Senate does not want to talk. What they want to happen is that we just accept their P100 bill entirely. Why? Why is the Senate shortchanging the workers?” saad ni Abante.
Matatandaang tuluyang hindi umusad ang wage hike bill matapos hindi magkasundo ang Senado at Kamara sa magkaiba nilang bersyon ng umentong ipapataw sa mga manggagawang nasa pribadong sektor.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Walang idadagdag!’ Kamara, Senado, tuluyang dinedma 'wage hike bill'
Tinatayang nasa ₱100 ang isinusulong ng Senado habang ₱200 naman ang bersyon ng Kamara.
KAUGNAY NA BALITA: 'Minus ₱100!' Kamara, umalma sa ₱100 bersyon ng Senado sa proposal nilang ₱200 wage hike