Isang rebelasyon ang inilathala ng Bilyonaryo News Channel patungkol sa nag-iisang anak ng negosyanteng si Eusebio “Yosi” Tanco Jr. na si Jaeger Tanco.
Ayon sa mga ulat na inilabas ng nasabing news outlet, kay Jaeger bumagsak ang datos ng Open AI hinggil sa mga pekeng account na direktang umaatake at nagpapakalat umano ng fake news laban kay Vice President Sara Duterte.
Mula sa isang mayamang pamilya, si Jaeger ang founder at presidenteng Comm&Sense Inc., isang public relations company na siyang itinuturo ng Open AI gamit ang ChatGPT na gumagawa raw umano ng iba’t ibang accounts mula sa TikTok at Facebook. Gamit ang iba’t ibang social media accounts, pinababango umano nila ang pangalan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at sinisiraan ang Bise Presidente.
Bukod sa nasabing kompanyang itinuturong nagpapakalat ng political trolls, may apat na kompanya pang pinamumunuan si Jaeger bilang Presidente katulad ng: Stitch Tech Solutions, PhilLife, PhilCare at iACADEMY (bilang Board of Governor).
Sa kabila ng alegasyong hinaharap, noong nakaraang buwan ng Mayo 2025 nang kinilala ang kaniyang husay sa industriya ng healthcare at communications matapos siyang makakuha ng parangal mula sa Asia-Pacific Stevie Awards para sa kaniyang dalawang kompanya.
Nakatanggap si Jaeger ng Gold Stevie for Most Innovative Creative Person of the Year para sa kompanyang Comm&Sense na siyang idinidiin ng Open AI at Silver Stevie for Most Innovative Leader of the Year for his role as president and CEO ng PhilCare.
Nagtapos si Jaeger ng Entrepreneurial Management sa University of Asia and the Pacific bago nagtrabaho sa STI Education Group na pagmamay-ari ng kanilang pamilya. Habang sa Ateneo de Manila University naman niya tinapos ang Masters iu Business Administration (MBA) degree.
Samantala, wala pang inilalabas na pahayag ang kampo ni Tanco patungkol sa nasabing ulat na inilabas ng Bilyonaryo News Channel mula sa OpenAi.