Naglabas ng opisyal na pahayag ang drag artist na si Pura Luka Vega matapos ma-acquit sa kasong cybercrime na isinampa laban sa kaniya ng Hijos Del Nazareno.
Lusot na nga si Amadeus Fernando Pugante sa kasong Cybercrime Prevention Act (Republic Act o RA 10175) na nag-ugat sa kinuyog na "Ama Namin" performance niya.
Sa 20-page na pasya ni Presiding Judge Czarina Samonte-Villanueva ng Manila Regional Trial Court (RTC) branch 184, na-acquit si Pura Luka Vega dahil umano sa kakulangan ng sapat na ebidensya para masabing nagsagawa siya ng krimen sa kaniyang performance.
Isinampa ang kaso laban sa kaniya ng grupong Hijos Del Nazareno kaugnay ng naging performance niya gamit ang dasal na "Ama Namin" habang nakasuot ng costume ng "Nazareno."
"WHEREFORE, premises considered, for failure of the prosecution to establish guilt beyond reasonable doubt, Amadeus Fernando Pagente, also known as Pura Luka Vega, is hereby ACQUITTED…” mababasa sa lumabas na desisyon.
Naglabas naman ng pahayag si Vega sa pamamagitan ng Rainbow Rights Philippines tungkol dito, kung saan nanunungkulan siya bilang advocate officer.
Bahagi ng pahayag ang pagsasabing iniaalay niya ang panalo sa lahat ng miyembro ng LGBTQIA+ community.
Pangalawa, iginagalang daw ni Vega at ng grupo ang lahat ng karapatan sa pananampalataya ng mga tao, kabilang na sa mga nagsampa sa kaniya ng kaso. Pero giit ni Vega, "ang aming sining at ekspresyon ay ang esensya ng demokrasya at kalayaan magpahayag.
Nagpasalamat din si Vega sa mga tumulong sa kaniya, sa panahon daw na "sinikil" ang kaniyang kalayaan, magmula sa mga abogado, testigo, tumangkilik ng drag, at sa iba pang nag-ambag sa kaniyang laban.
Sa huli, sinabi ni Vega na sa palagay niya ay nanaig ang hustiya.
"Sa huli, matapang kong masasabing nanaig ang hustisya. Matagal ko na pong napatawad ang mga taong [nangutya] at nagdiwang sa aking pinagdaanan."
"Sa true lang, sa mga bakla at naiiba sa lipunan, patuloy tayong lumaban at i-claim naten ang karapatang maging tunay na tayo. Walang kiyeme! At nawa'y iadya natin ang isa't isa sa lahat ng masama," aniya pa.
KAUGNAY NA BALITA: Pura Luka Vega, inabswelto sa cybercrime dahil sa 'Ama Namin'