Humamig ng 92.11% votes mula sa publiko ang semi-finalist na si Cardong Trumpo matapos mapabilib ang taumbayan sa iba't ibang tricks sa pagpapaikot ng trumpo.
Tambak na tambak ni Cardong Trumpo ang iba pa niyang mga katunggali, at dahil dito, agad siyang pumasok sa grand finals dahil siya ang top 1.
Ipinamalas ni Cardo ang husay sa pagpapaikot ng trumpo sa kaniyang palad, sa dulo ng karayom, sa kapwa trumpo, sa ibabaw ng baraha, at pagpapatawid nito sa isang lubid.
Nagpasalamat naman ang mga huradong sina Donny Pangilinan at Kathryn Bernardo kay Cardong Trumpo dahil sa pagbabahagi niya ng talento at pagsali sa PGT.
Si Freddie Garcia naman o FMG, sinabing sa pitong taon daw ng show, ngayon lamang siya nakakita nang ganoong kahusay na talento.
Si Eugene Domingo naman, na naging emosyunal, ay sinabing si Cardong Trumpo raw ang isang halimbawa ng Pilipinong nagsusumikap, hindi sumusuko, ginagamit ang regalo, at hindi gumagawa ng masama.
"Pinaikot-ikot mo ang trumpo, handa ka na bang umikot ang buhay mo?" retorikal na tanong ni Eugene.
Sinabi ni Cardong Trumpo na 7 taong gulang pa lamang siya ay nagpapaikot na siya ng trumpo, bagay na hindi raw niya naisip na magagamit pala niya sa pagsali sa PGT.
KAUGNAY NA BALITA: 'Cardong Trumpo' ng PGT 7 standing ovation sa judges, audience