Kinumpirma ng Department of Education (DepEd) na papalo sa 27 milyon ang enrollees mula preschool hanggang senior high school para sa School Year 2025 hanggang 2026.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB kay DepEd Assistant Secretary Jocelyn Andaya noong Sabado, Hunyo 7, 2025, tinatayang nasa daang libong mga bagong classrooms na raw ang kanilang naipatayo upang matugunan ang bilang ng mga estudyante.
“We will be able to build 105,000 new classrooms, and we will accelerate it through the early procurement activities na pinupush natin ito. Nakikipag-coordinate closely tayo sa DPWH (Department of Public Works and Highways) sa ganitong bagay,” ani Andaya.
Katuwang din ng DepEd ang Local Government Units (LGU) upang malutas naman ang mga sira sa classrooms, partikular na mga upuan at lamesa ng mga estudyante.
“Ang gagawin natin ngayon ay titingnan natin o kukumpunihin ang mga sira muna, at ating LGUs ay katuwang natin sa pag-purchase ng tables and chairs at pag-construct ng classrooms,” aniya.
Minamatahan din ng ahensya ang kanilang ikakasang Oplan Balik Eskwela kasama ang taunang pagsasagawa nila ng Brigada Eskwela mula Hunyo 9 hanggang 13.
“[Mayroon] po tayong sira-sirang mga tables at chairs, at ginagawan na po natin ng paraan. Kasama po yan sa ating gagawing Brigada Eskwela ngayong Monday hanggang Friday,” saad ni Andaya.
Dagdag pa niya, “Titingnan po natin ang bawa’t isang upuan ng mga bata para di sila masaktan; irerepair natin yun sa abot ng ating makakaya. Ongoing naman po ang ating procurement sa ganitong mga silya at mga desks.”
Kaugnay naman ng kakulangan ng bilang ng mga guro, giit ni Andya, “There are 20,000 new items. ‘Pag ma-fill po natin ‘yan ngayon, 32,000 na lang mahigit ang ating shortage.”