Inihayag sa pinakabagong datos ng Social Weather Station (SWS) na nasa 50% ng mga Pilipino sa buong bansa ang nagsasabing mahirap pa rin sila.
Ginawa ang naturang survey mula Abril 23 hanggang 28, 2025, kung saan mas mababa ito ng 5% kumpara sa nauna nilang datos noong Abril 11 hanggang 15 na nasa 55%. Ayon sa SWS, nagmula ang nasabing pagbaba ng 5% mula sa Metro Manila at Mindanao.
Samantala, naitala naman sa Visayas ang pinakamataas na porsyento ng mga nagsasabing mahirap pa rin ang kanilang buhay na nasa 67%, habang 61% naman sa Mindanao. Sa kabila nito, nakitaan naman ng pagbaba ang self-rated poverty na nasa 33% lamang.
Mula sa tinatayang 14.1 milyong self-rated poor families na naitala ng SWS survey mula Abril 23 hanggang 28, napag-alamang 2.2 milyon sa kanila ang “newly poor.” Nasa 2.3 milyon naman ang kinikilala bilang “usually poor,” at 9.5 milyon ang “always poor.”
Kaugnay nito, nasa 41% naman ang food poor, mas mababa ng 10% mula noong Disyembre 2024 na nasa 52%.
Isinagawa ang survey mula Abril 23 hanggang 28 na sinagutan ng 1,500 indibidwal.