Muling nakasama ang Pilipinas sa sampung worst countries para sa mga manggagawa sa ika-9 na pagkakataon.
Nagmula ang datos sa International Trade Union Confederation (ITUC) Global Rights Index na inihayag naman ng Workers Rights Watch sa kanilang press briefing noong Biyernes, Hunyo 6, 2025.
Ilan sa mga bansang kasama sa nasabing listahan ay ang: Bangladesh, Belarus, Ecuador, Egypt, Eswatini, Myanmar, Nigeria, Tunisia at Turkey.
Batay pa naturang datos, ang pagtapak umano sa karapatan ng mga manggagawa ang naging basehan upang makasama ang bansa sa listahan ng ITUC na nasa 87%. Nakitaan din umano ang Pilipinas sa problema sa karapatan ng mga manggagawa para sa isang collective bargaining agreement na nasa 80%, paglabag sa karapatang bumuo ng unyon na nasa 75% at inhustisya sa lakas-paggawa na nasa 72%.
"This has been happening for 9 straight years, and we really have a lot to do in engaging the government and employers so we can be removed from the list," anang Workers Rights Watch.
Samantala, ayon sa mensaheng ipinaabot ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma, hindi niya kinikilala ang listahang inilabas ng ITUC.
"If indeed the Philippines is a worst country for workers, how come we got elected for the first time as a member of the Committee on Freedom of Association last year. This year, the Philippines is not on the list of countries that will be examined by the Committee on Application of Standards (CAS)," ani Laguesma.