Nagpaalala ang Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidato sa katatapos na May 12 midterm polls, na mayroon na lamang silang hanggang Hunyo 11 upang maghain ng kanilang Statements of Contributions and Expenditures (SOCE).
Ang paalala ay ginawa ni Comelec Chairman George Erwin Garcia matapos na iilan pa lamang o wala pang 25% ng mga kandidato, ang makapaghain ng SOCE sa poll body.
Batay sa datos na ibinahagi ni Garcia, nabatid na hanggang 7:00PM ng Huwebes, Hunyo 5, walong kandidato sa pagka-senador at 11 partylist groups pa lamang ang nakapaghain ng SOCE.
Kabilang sa mga senatorial candidates na nakapaghain na ng SOCE ay sina Victor Rodriguez, Norberto Gonzales, Willie Ong, France Castro, Vicente Sotto III, Angelo de Ablan, Ronaldo Jerome Adonis at Phillip Salvador.
Kabilang naman sa mga party-list groups na nakapaghain na ng SOCE ay ang Abono Partylist, Api Partylist, 1Pacman Partylist, Manila Teachers, Angat Partylist, ACT Teachers Partylist, Nanay Partylist, Buhay Partylist, Kabayan Partylist, Akay Ni Sol Partylist at Bida Katagumpay Partylist.
Mayroon din namang tatlong political party na nakapaghain na ng SOCE, na kinabibilangan ng Ang Katipunan Para sa Pag-angat at Pagyabong ng Bayan (AKAY), Partido Demokratiko Sosyalista ng Pilipinas (PDSP) at Bigkis Pinoy Movement.
Ayon kay Garcia, ang lahat ng kandidato sa katatapos na halalan ay kinakailangang maghain ng SOCE, nanalo man sila o natalo sa halalan.
Aniya, maaaring maghain ng SOCE ang mga kandidato sa poll body mula Lunes hanggang Sabado at kahit na holiday, mula 8:00AM hanggang 5:00PM.
Nagbabala naman ang poll body na ang lahat ng nanalong kandidato na mabibigong maghain ng SOCE ay hindi makakaupo sa puwesto.
“No elected candidate shall assume office unless the submission of SOCE is complied within the period allowed by law,” anang Comelec.
Dagdag pa ni Garcia, hindi na palalawigin pa ng Comelec ang deadline sa paghahain ng SOCE.