June 09, 2025

Home BALITA National

Robin Padilla, binweltahan pag-alma ng DGPI sa panukalang batas niya

Robin Padilla, binweltahan pag-alma ng DGPI sa panukalang batas niya
Photo Courtesy: Robin Padilla, DGPI (FB)

Nagbigay ng tugon si Senador Robin Padilla kaugnay sa pag-alma ng Directors’ Guild of the Philippines, Inc. (DGPI) sa Senate Bill No. 2805 o MTRCB Act.

Matatandaang aprubado na sa Senado ang nasabing panukalang batas na lalong magpapatibay at magpapalawak sa mandato ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) bilang isang ahensya.

MAKI-BALITA: Panukalang batas na magbabantay sa online streaming platforms, lusot na sa Senado

Tinutulan naman ng DGPI ang Senate Bill No. 2805 dahil maaari umano itong maging mitsa ng paniniil sa kalayaan nilang makapagpahayag.

National

PBBM, pinahahanap student athletes na nag-wacky ng mukha sa speech niya

“There is no need to create a redundant new law such as SB 2805 that would further destroy content creators’ rights to free expression and viewers’ rights to free access to expression,” anila sa isang bahagi ng pahayag.

Kaya sa pahayag na inilabas ni Padilla noong Huwebes, Hunyo 5, dinepensahan niya ang panukalang batas na siya mismo ang nag-sponsor.

Ayon sa kaniya, nauunawaan umano niya ang pinanghuhugutan ng mga direktor dahil maging siya ay galing din sa industriya ng pelikula.

“Ngunit,” pasubali niya, “sa likod ng panukalang batas na ito, may mas malalim po tayong layunin: pananagutan sa harap ng makabagong panahon.”

Nilinaw ni Padilla na ang panukalang batas ay hindi umano tungkol sa pagbabawal kundi sa pag-aalaga. Layunin umano nito na palakasin ang kakayahan ng MTRCB na maglabas ng magiging gabay at klasipikasyon kahit sa digital platforms gaya ng ginagawa na rin naman nito sa sine at telebisyon.

Bagama’t aminado si Padilla na hindi perpekto ang MTRCB Act, iginiit pa rin niyang buo ang prinsipyo ng panukalang batas.

“May pananagutan ang estado na tiyaking ligtas, makabuluhan, at may direksyong moral ang content na lumalaganap, lalo sa online platforms na papasok sa saklaw ng batas,” saad ng senador.

Sa huli, nilinaw ni Padilla na hindi umano laban sa sining o sa mga direktor ang panukalang batas. Binalangkas umano ito upang protektahan ang pamilya, kabataan, at kulturang Pilipino.