Naghayag ng reaksiyon si Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara kaugnay sa napipintong pagkalusaw ng senior high school bilang bahagi ng basic education.
Ito ay matapos maghain ni Senador Jinggoy Estrada ng Senate Bill No. 3001 na nagpapanukala ng pag-amyenda sa RA 10533.
MAKI-BALITA: Sen. Jinggoy Estrada, ipu-push na mabaklas ang SHS sa K-12
Sa pahayag ni Angara nitong Biyernes, Hunyo 6, aminado siya sa depekto ng pagpapatupad ng K to 12 Curriculum sa mga nakalipas na dekada.
Aniya, “Hindi maganda ang naging implementation nitong nakaraang dekada. Masyadong marami ang subjects at nakahon masyado ang mga bata. Hindi sila nakakapili ng subjects.”
“Having said that, ang desisyon kung ipagpapatuloy ang SHS o hindi ay Kongreso lamang po ang makakapagsabi at makakapagpasya,” dugtong pa ng kalihim.
Matatandaang bukod dito ay pinaplano rin ng ilang mambabatas na tapyasin ang tatlong general education subjects na Ethics, Contemporary World, at Art Appreciation sa college curriculum.
MAKI-BALITA: Tatlong GenEd subjects, tatapyasin sa college curriculum?