Hindi lamang isang beses kundi dalawang beses umanong hinalay ng 65-anyos na senior citizen ang 17-anyos na dalagitang may intellectual disability sa Quezon City.
Ayon sa mga ulat nitong BIyernes, Hunyo 6, naaresto ang suspek nitong Mayo 24 matapos magsumbong ang biktima sa kaniyang ama at nagreklamo sa Barangay Dioqunio Zobel, Project 4 sa nabanggit na lungsod.
Ibinahagi naman ni Police Lieutenant Colonel Angelito De Juan ng Project 4 Police Station Commander ang pangyayari, aniya, nakaupo ang biktima sa isang motorsiklo at kinawayan ng suspek.
Noong hindi raw ito pinansin ng biktima, lumapit ang suspek at hinawakan ang kamay at dinala sa madilim na lugar. Doon na ginawa ang umano ng suspek ang panghahalay.
Matapos nito ay nagsumbong ang biktima sa kaniya ama. Gayunman, umalis ang suspek sa lugar dahil alam umano nitong nagsumbong ang bata sa magulang.
"No'ng hinahanap na po natin siya sa area magdamag hindi siya nakita," ayon kay De Juan. "Malamang po nagtago siya at siguro sinubukan niya tumakas pero medyo mahina na kasi siya at wala na rin siguro siyang pera kaya hindi siguro siya nakalayo."
Ayon pa sa pulisya, una na raw nahuli ang suspek noong 2023 dahil din umano sa panghahalay sa biktima ngunit ito raw ay nakapagpiyansa.
Itinanggi naman ng suspek ang alegasyon sa kaniya.
"Ang masasabi ko lang po, wala po akong ginagawa doon sa bata."