December 13, 2025

Home BALITA National

Sen. Jinggoy Estrada, ipu-push na mabaklas ang SHS sa K-12

Sen. Jinggoy Estrada, ipu-push na mabaklas ang SHS sa K-12
Photo courtesy: via MB

Isinusulong ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na matanggal ang mandatory Senior High School (SHS) level sa K to 12 program ng basic education system.

Ito raw ay dahil hindi naibigay ng nabanggit na programa ang inaasahang benepisyo para sa mga mag-aaral.

"Ever since this education reform was put in place, it has been met with criticisms and objections from various groups. It has been 12 years now since the enactment of the law, yet it still has not fully achieved its goal," anang Estrada, na tumutukoy sa Republic Act No. 10533, o mas kilala bilang Enhanced Basic Education Act of 2013.

"We can't keep letting students and their parents shoulder the extra time and cost of senior high school. Bakit natin hahayaan na patuloy na maging dagdag pasanin sa oras at gastusin ang dalawang taon sa high school level?" aniya pa.

National

Middle forces, Marcos bloc kailangang magkaisa para 'di manalo Duterte bloc sa 2028—Antonio Trillanes

Matatandaang dinagdagan ng dalawang taon pa sa high school upang makatagpo ang international standards pagdating sa high school at college.

Layunin ng SHS na makapagtapos ang mga mag-aaral na may sapat na kakayahan, kaalaman sa 21st-century skills, at handa sa anumang landas na kanilang pipiliin, maging ito ay patuloy na pag-aaral sa kolehiyo, pagkakaroon ng kasanayang teknikal, pagtatrabaho, o pag-nenegosyo.

Naghain si Estrada ang Senate Bill No. 3001 na nagpapanukala ng pag-amyenda ng RA 10533.

Binanggit ng senador ang pag-amin ng mga opisyal ng Department of Education (DepEd) na hindi pa naaabot ng SHS program ang layunin nito para sa mga K to 12 graduates dahil sa napakaraming curriculum, over-worked ang mga guro at estudyante, mababang employment rate ng mga nagtapos ng SHS -- 10% lamang ang pumapasok sa labor force, karamihan pa ay sa informal sector.

Ayon pa sa press release ng Senado, bukod pa rito, lumabas sa isinagawang survey ng Pulse Asia Research Inc. noong Marso ng kasalukuyang taon ang mababang satisfaction level sa programa. Nasa 33% lamang ng mga respondent ang nagsabing sila ay nasisiyahan sa SHS program, habang 40% ang nagsabing sila ay hindi nasisiyahan.

Sa mga nakalap na datos, nakita rin ang patuloy na pagbaba ng kumpiyansa ng publiko sa SHS program -- mula 41% noong 2023, bumaba sa 35% noong 2024, at lalo pang bumagsak sa 33% ngayong 2025.

Sa panukalang pagtanggal ng SHS level, sinabi ni Estrada na mananatili ang mga pangunahing prinsipyo ng RA 10533. Layon aniya ng kanyang panukalang amyenda na gawing mas simple at mas maayos ang sistema ng high school habang tinitiyak pa rin ang kalidad ng edukasyon na akma sa pandaigdigang pamantayan.

Sa ilalim ng rationalized basic education program, iminungkahi ni Estrada ang isang taong edukasyon sa kindergarten, anim na taon sa elementarya at apat na taon sa secondary education.

"Ang panukalang ito ay isang praktikal na hakbang upang ayusin ang ating sistema ng edukasyon -- upang ito'y maging mas episyente, mas mahusay sa paggamit ng pondo, at mas makabuluhan para sa ating mga mag-aaral," aniya.