Inihayag ni Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa na ang pagdami ng bilang ng rabies deaths o pagkamatay na dulot ng rabies, ay bunsod ng maraming asong gala.
“The increase in deaths for rabies is because there are many stray dogs… We have 13 million stray dogs. Dapat kino-communicate yan na huwag lumapit sa stray dogs and cats,” ayon kay Herbosa, sa isang media interview nitong Miyerkules, Hunyo 4.
Tiniyak din naman ni Herbosa na sapat ang mga bakuna kontra rabies sa bansa ngunit hindi lamang bumibili ang mga local government units (LGUs).
Ani Herbosa, sa ilalim ng Anti-Rabies Act, ang pagbabakuna sa mga aso at pusang gala ay nasa responsibilidad ng LGUs at ng Bureau of Animal Industry (BAI).
Ang kapakanan naman aniya ng mga alagang hayop ay nasa kamay ng mga pet owners, na tuwing Marso ay hinihikayat nilang pabakunahan ang kanilang mga alagang hayop.
“Wala tayong decline, hindi bumibili yung LGU. The LGUs have to buy so they end up going to the DOH, to San Lazaro. I have 4,000 patients waiting here, and when you ask them where they came from, from far away LGUs,” ani Herbosa. “May bakuna para sa tao,” dagdag pa niya.
Nagbabala naman si Herbosa na ang rabies ay mapanganib at maaaring ikamatay kung hindi maaagapan.
“Ang rabies ay delikado at nakamamatay, 100% ang fatality sa mga kaso noong 2024. Puwede itong makuha sa kagat, kalmot, o sa laway ng hayop na may rabies kung sakaling madilaan ang tao sa sugat, mata, ilong, o bibig,” ani Herbosa.
Binigyang-diin rin naman niya na, “Rabies is preventable through proper vaccination and responsible pet ownership. We urge the public to take necessary precautions and prioritize their safety.”
Nabatid na noong 2024, umaabot sa 426 ang rabies-related deaths na naitala ng DOH sa bansa.