Magkakaiba ang naging tugon ng ilang mga senador hinggil sa umuugong na umano’y resolusyong tuluyang magbabasura sa nakabinbing impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Nanggaling ang kumpirmasyon ng nasabing resolusyon kay Sen. Imee Marcos nitong Miyerkules, Hunyo 3, 2025.
“One of the many drafts, na iba-iba ang pakay — parang pangatlo yan sa nakita ko, maraming versions, lahat ay naghahanap ng pinakamabisa at pinaka naaayon sa batas na solusyon, yung walang butas,” ani Marcos sa text message sa media.
Samantala, nilinaw naman ni Senate Secretary Renato Bantug Jr. na wala raw ganoong resolusyong namumuo sa Senado.
“I just had it checked sa Bills and Index, wala naman daw ganyang resolution,” saad ni Bantug.
Ayon kay Sen. Pimentel, hindi raw “authentic” ang kumakalat na balita sa nasabing resolusyon laban sa impeachment ng Pangalawang Pangulo.
“Flawed logic. Big chance not authentic. Even the quotation of the constitutional provision is not accurate,” aniya.
Sina Sen. Risa Hontiveros at Sen. Cynthia Villar naman ay hindi pa raw nakikita ang nabanggit na resolusyon.
“Wala pa akong nakikitang ganoon,” ani Hontiveros.
Saad naman ni Villar, “Wala.”
Tumanggi namang magkomento ang isa sa mga kilalang ally ng mga Duterte sa Senado na si Sen. Bong Go habang ibinalik naman ni Sen. Bato dela Rosa ang tanong ng media sa kaniya.
“Meron ba?” saad ni Dela Rosa.