Kinumpirma ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na sa kaniya galing ang resolusyong kumakalat umano sa Senado hinggil sa pagpapabasura sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa ambush interview kay Dela Rosa nitong Miyerkules, Hunyo 4, 2025, iginiit ni Dela Rosa na pawang saloobin niya raw ang laman ng nasabing draft ng resolusyon.
“Basahin n’yo yung resolusyon, you will understand everything. That’s very self-explanatory. Kung anong mabasa n’yo doon, kung anong sinasabi do’n, yun ang saloobin ko,” ani Bato.
Tinitimbang pa rin daw ni Dela Rosa ang magiging tugon ng iba pa nilang kasamahan sa Senado bago niya ito tuluyang ihain sa kanilang sesyon.
“Kaya pinapabasa ko sa kanila yung draft. Tinitingnan ko. Baka kasi yung iba, yung ibang kasamahan namin may ibang draft. So siguro i-incorporate yun kung ano yung magagandang provision doon sa kanilang draft. Para mapaganda yung final version at magiging acceptable sa lahat, o [kung] pwedeng makuha ang suporta ng lahat—ng karamihan,” anang senador.
Matatandaang nitong Miyerkules din nang maunang kumpirmahin ni Sen. Imee Marcos ang iba’t ibang draft daw ng Resolusyong tutuldok sa nakabinbing impeachment ni VP Sara sa Senado.
“One of the many drafts, na iba-iba ang pakay — parang pangatlo yan sa nakita ko, maraming versions, lahat ay naghahanap ng pinakamabisa at pinaka naaayon sa batas na solusyon, yung walang butas,” saad ng senadora.
KAUGNAY NA BALITA: 'Meron o wala?' Mga senador, iba-iba tugon sa resolusyong babasura sa impeachment ni VP Sara
Samantala, pinatunayan din ni Sen. Jinggoy Estrada na nabasa niya na raw ang mismong hard copy ng nasabing resolusyon bagama’t hindi pa raw nito hinihingi ang kaniyang suporta at pagpirma.
“Marami na ngang umuugong-ugong na chismis nga tungkol do’n. I just confirmed it last Monday na mayroon ngang reso na umiikot nga. But I don’t think may mga pumirma,” aniya.
KAUGNAY NA BALITA: 'Confirmed!' Sen. Jinggoy, nabasa na resolusyon para ibasura umano ang impeachment ni VP Sara
Sa Hunyo 11 na inaasahang tuluyang uusad ang impeachment ng Pangalawang Pangulo sa pagsisimula ng pagbasa ng article of impeachment.