June 08, 2025

Home BALITA National

Overthink malala: Netizens na nagpapabakuna ng anti-rabies, dumagsa!

Overthink malala: Netizens na nagpapabakuna ng anti-rabies, dumagsa!
Photo courtesy: Pexels, Contributed Photo

Dumami ang mga taong nagpapabakuna ng anti-rabies vaccine matapos makagat o makalmot ng alagang aso at pusa, partikular sa San Lazaro Hospital sa Maynila.

Ito raw ay matapos mag-viral ang video ng isang padre de pamilya na nakuhanang nagwawala at naghihirap sa ospital matapos umakyat sa kaniyang ulo ang rabies virus at lumabas ang mga sintomas, nang hindi niya makompleto ang anti-rabies vaccine.

Lumabas ang sintomas sa nabanggit na lalaki makalipas ang siyam na buwan simula nang mabakunahan siya ng isang shot, subalit bigong matapos ang mga sumunod na sesyon dahil daw sa kaabalahan sa trabaho.

MAKI-BALITA: Lalaking namatay sa rabies, nakapag-‘I love you’ pa, bago bawian ng buhay

National

50% ng mga Pilipino, aminadong naghihirap pa rin—SWS

Sinabi ng kinatawan ng San Lazaro Hospital na humigit-kumulang 2,000 pasyente ang pumupunta sa Animal Bite and Treatment Center nito araw-araw, linggo nang pumutok ang balita patungkol sa nabanggit na na-rabies.

Ayon sa panayam sa mga nagpapaturok, mas mainam na raw ang makasigurado kaysa magsisi sa huli. 100% ang fatality ng isang pasyente o nakamamatay talaga ang rabies kapag na-infect na ng virus ang utak.

Pahayag naman ng mga eksperto, walang lunas sa rabies kapag umakyat na ito sa utak ng isang hayop o tao, subalit may prevention o pag-iwas naman dito sa pamamagitan ng bakuna.

Ang isang kompletong bakuna ay may validity mula lima hanggang sampung taon. Kapag nakagat o nakalmot ulit ng aso o pusa, lalo na kung stray at hindi sigurado kung bakunado ang nabanggit na hayop, maaaring magpa-booster shot kung nangyari ang kagat o kalmot makalipas ang tatlong buwan, mula sa huling shot o turok ng anti-rabies vaccine.

Tiyakin ding kompleto ang turok batay sa rekomendasyon ng espesyalista upang hindi mawala ang epekto nito.

MAKI-BALITA: 'Pag di nakumpleto bakuna sa rabies, mawawalan ng bisa unang bakuna na nabigay—Doc Alvin

Magtungo lamang sa available na Animal Bite Center (ABC) o ospital tungkol dito.