December 18, 2025

Home BALITA

Kabataan party-list kinalampag ng babaeng miyembro; sekswal na inabuso?

Kabataan party-list kinalampag ng babaeng miyembro; sekswal na inabuso?
Photo Courtesy: Freepik, Kabataan Party-list (FB)

Naghayag ng sentimyento ang isa sa mga babaeng miyembro umano ng Kabataan party-list na si Maria Kara dahil sa umano’y makailang ulit na abusong sekswal na naranasan daw niya sa kaniyang mga kapuwa miyembro ng organisasyon.

Sa isang Facebook post ni Maria noong Linggo, Hunyo 1, iminungkahi niya sa Kabataan ang maayos na konsolidasyon ng mga naunang kasapi ng organisasyon bago iprayoridad ang recruitment.

Inireklamo ni Maria ang isang nagngangalang "Justin Barrientos" na aniya, ay nagsagawa ng umano'y pangmamanyak sa kaniya.

“Kung may magkahiwalay lang na accommodation ang babae at lalaki, supervision, at security protocol sa konsepto ng shared living for centralized members, edi sana sa workspace pa lang maiiwasan na ang pangmamanyak sa akin ni Justin Barrientos!” saad ni Maria.

ARTA, iraratsada website para sa reklamo sa mga ahensya ng gobyerno

“Seryoso ba kayo na tinatake ninyo seriously yung nangyari sa akin sa hanay ninyo?” pagpapatuloy niya. “Pang-tatlong abusong sekswal na nga bago kayo magbigay ng mental health support tapos hindi ninyo pa sinisikap yung primaryang tulong na kailangan ng biktima na makalayo sa pinangyarihan ng krimen.”

Dagdag pa ni Maria, wala umanong karapatan ang Kabataan na magkunwaring kumakalaban sa mga Duterte dahil wala umano itong pinagkaiba sa huli. 

Samantala, sa isang hiwalay na post, ibinahagi rin niya ang naging trato sa kaniya ng ilang kasama isang linggo matapos umano niyang magahasa.

“Tinatrato ako ng mga tao doon na parang wala akong ginagawa kahit na hindi ako pumapasok sa klase ko at trabaho ko para lang makakilos, ni wala akong pamilya dahil sa ‘prinsipyong’ pinagkaisahan namin,” ani Maria.

“Sabi pa sa akin ng isang galing sa National Executive Committee, hindi raw kaya ng HQ mag-adjust para sa mental health ko kaya papaalisin na ako doon dahil mahirap daw mag-adjust ang lahat para sa isa. Partida, ginahasa ako ng isa nilang miyembro. Halos itaya ko ang lahat-lahat ko para sa kanila tapos kaunting adjustment lang tinatanggihan pa?” dugtong pa niya.

Maging sa Commission on Elections (Comelec) ay umapela si Maria sa kaniyang Facebook post para sabihing hindi lang umano sekswal na abuso ang naranasan niya sa Kabataan party-list.

Ito ay matapos makatanggap ng banta mula sa isang netizen na nagngangalang “Eugene Lee” dahil sa pagbabahagi ni Maria ng screenshot nitong nag-aakusang isa umano siyang “tipikal na dutae,” “bayaran ng pasistang idolo niya,” “walang prinsipyo,” at “traydor sa sariling uri.”

“[P]inagtawanan at binalewala nila yung karanasan ko tapos ngayon ay binabantaan ako nang ganito. From 2023 to 2025, magkakaibang kaso ang bumaboy ng pagkababae ko sa hanay na ’yan—tatlong lider kabataan na magkakaibang tao,” lahad ni Maria.

Base sa salaysay ni Maria, wala umano siyang natanggap na agarang tulong sa tatlong ulit na pananamantala sa kaniya.

“Hanggang sa mangyari yung pangatlo. Mag-iisang linggo pa bago nila ako bigyan ng tulong para sa mental health ko tapos nung napa-check, hindi nila inasikaso yung gamot na nireseta sa akin ng Psychiatrist so wala rin,” aniya.

Naglabas naman ng pahayag ang National President ng Kabataan party-list na si Julius Cantiga para linawing hindi umano miyembro ng National Executive Committee ang indibidwal na sangkot sa post ni Maria.

“The member-accused, from the time the report was received, was confronted and eventually placed under preventive suspension to ensure the integrity of the investigation and welfare of the members,” aniya.

Dagdag pa ni Julius: “Temporary measure lang ito habang may ongoing investigation, before implementing a final disciplinary action. With consent from the aggrieved, we fully support the possible filing of legal charges against said accused for remedies beyond the authority of the organization.”

Sa huli, nangako si Julius na mananatili sila sa pagbibigay ng tulong upang makamit ni Maria ang hustisya.