Hinamon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. si bagong Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Nicolas Torre III, kasunod ng turon-over of command nitong Lunes, Hunyo 2, 2025.
Sa mensahe ni PBBM, hinamon niya si Torre na panatilihin daw ang nasimulan ng liderato ni dating PNP Chief Rommel Marbil sa hanay ng mga kapulisan.
“Hamon ko sa 'yo, panatilihin mong malinis at marangal ang hanay ng kapulisan,” ani PBBM.
Dagdag pa niya, “Bilisan ang mga imbestigasyon sa mga kaso laban sa mga pulis na lumabag sa batas upang maibigay natin ang hustisya sa lalong madaling panahon,” saad ng Pangulo.
Muli ring binigyang-diin ng Pangulo ang pagpapaigting pa raw ng presensya ng kapulisan sa mga komunidad.
“Paigtingin ang presensya ng kapulisan sa lansangan…Kapag kailangan ng taumbayan, dapat may pulis na kaagad na reresponde. Iparamdam natin sa mga Pilipino—may pulis na handang dumamay at [magtanggol] sa kanila sa lahat ng oras,” anang Pangulo.
Kaugnay nito, nangako rin si Torre para naman sa kapuwa niya mga pulis hinggil sa pagsisimula ng kaniyang pamumuno sa PNP.
KAUGNAY NA BALITA: Pangako ni Torre sa pag-upo bilang PNP Chief: 'Action will be rewarded!'
“Sa ilalim ng aking pamumuno, action will be rewarded. Hindi sapat ang pogi points. We will reward those police men who work hard on our three pillars. Respond to the public swiftly and unite and uplift the morale of your fellow public servant,” ani Torre.
Samantala, sa Hunyo 7 naman nakatakdang magretiro sa puwesto si dating PNP Chief Marbil.