Nilinaw ng Department of Transportation (DOTr) na magpapatuloy pa rin ang implementasyon ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa kabila ng pagkaudlot ng pagsisimula ng EDSA rehabilitation ngayong buwan ng Hunyo.
Sa press briefing nitong Lunes, Hunyo 2, 2025, nilinaw ni Transport Secretary Vince Dizon na mananatili pa rin ang NCAP na ibinalik noong Mayo 26. “I think so, I think so. I think NCAP will stay because NCAP is not just about EDSA. It’s about enforcing— a more efficient way of enforcing our traffic rules,” saad ni Dizon.
Naniniwala rin si Dizon na naging maganda raw ang unang linggo ng implementasyon ng NCAP bagama’t maraming motorista pa rin ang umano’y nandadaya sa batas-trapiko.
“Maganda naman ang naging unang linggo. Marami nang mga sumusunod pero marami pa ring mga nandaraya,” anang DOTr secretary.Kaugnay naman nang sinuspindeng EDSA rehabilitation ngayong buwan, iginiit ni Dizon na nauunawaan niya raw ang gustong mangyari ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
“I want to do this faster,‘yun ang sinabi po ng pangulo. Gusto niyang mas mabilis. Ang sabi nga niya kung kayang anim na buwan lang,” aniya.
Matatandaang noong Linggo, Hunyo 1 nang magbaba ng kautusan si PBBM na ipatigil ang nakatakdang pagsisimula ng pagkukumpuni sa kahabaan ng EDSA.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. JV, natuwa sa pagsuspinde ni PBBM sa EDSA rehabilitation