Pinaiimbestigahan ni Department of Transportation (DOTr) Sec. Vince Dizon ang mga online booking platform na mataas maningil ng airfare sa mga destinasyon sa Pilipinas, bunsod ng mga natanggap niyang reklamo kaugnay sa mataas na airfare papuntang Tacloban.
Nitong Lunes, Hunyo 2, sinabi ni Dizon na nakatanggap siya ng mga report kaugnay sa mataas na airfare na ipinataw ng online booking platform papuntang Tacloban.
Dahil dito, pinaiimbestigahan niya sa Civil Aeronautics Board (CAB) ang iba pang online booking platforms na naninigil din ng mataas na airfare hindi lamang sa Tacloban maging sa iba pang mga local destination.
"I also instructed CAB to also investigate other online [booking] platforms that are doing the same thing, not just for Tacloban but for other destinations as well," saad ni Dizon. "Kung ano ang gagawin namin... gano'n din ang gagawin namin sa ibang yan."
"We will not allow this. Lalong-lalo na rito sa nangyayari sa Tacloban ngayon na may krisis tapos pagsasamantalahan ng mga lokong ito ang sitwasyon ng mga kababayan natin," giit pa ng DOTr chief.
"We should never allow our people to be abused. Hindi po pupwedeng abusuhin ang ating kababayan."