May panawagan ang aktor at mayor ng Victorias City, Negros Occidental na si Javi Benitez para sa mga netizen na pinagpipiyestahan ang kinasasangkutang isyu ng kaniyang amang si Bacolod City Mayor Albee Benitez at inang si Dominique "Nikki" Lopez Benitez.
Giit ni Mayor Javi, sana raw ay mag-move on na ang lahat sa chismis, fake news, at paid drama dahil mas marami pa raw kailangang ayusin sa bansa.
Nag-ugat ang intriga sa kumalat na sworn complaint affidavit ng umano'y pagsasampa ng kaniyang inang si Nikki sa kaniyang estranged husband na si Albee, sa umano'y paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act (VAWC), matapos daw magkaroon ng "emotional at psychological abuse" ang estranged wife sa "extra-marital affairs" ng estranged husband.
Nabanggit umano sa naturang dokumento ang pangalan ng Kapamilya star-vlogger na si Ivana Alawi.
Isinampa ang reklamo sa Makati City Regional Trial Court.
Isang nagngangalang Jonathan Dela Cruz ang nagbahagi ng dokumento ng complaint-affidavit sa social media.
Matatandaang naisyu na noong 2024 si Alawi kay Benitez matapos raw silang maispatang magkasama sa Japan.
Nauna na ring itinanggi ni Mayor Albee ang tungkol sa pagkaka-link niya kay Ivana, ayon na rin sa naibalita ni Ogie Diaz sa "Ogie Diaz Showbiz Update."
Pasimple ring sinabi ni Ivana na hindi totoo ang nabanggit na mga tsika, at kung anuman ang mga property na mayroon siya ngayon, ay dahil iyon sa mga pagsisikap niya bilang isang content creator at celebrity.
MAKI-BALITA: Ivana Alawi, nakaladkad sa VAWC case ng estranged wife ni Albee Benitez
Kaya naman, sa Instagram post ni Mayor Javi, sinabi niyang ayaw na sana niyang magsalita hinggil sa isyu, subalit batid daw niyang hindi niya ito maiiwasan.
"Ayoko na sanang magsalita, pero alam kong hindi ko rin ito maiwasan," aniya.
"Ang mga totoong nakakaalam ng buong kwento… tahimik lang. Hindi sila nasa balita. Hindi rin sila nagpo-post."
MAKI-BALITA: Banat ni Javi Benitez: 'Mga totoong nakakaalam ng buong kuwento, tahimik lang!'
"Ang hiling ko lang: sana magkaintindihan pa rin ang mga magulang ko, bilang magulang namin ni Bettina, at kung maaari pa, bilang mag-asawa rin," aniya pa.
MAKI-BALITA: Hiling ni Javi sa isyu ng mga magulang: 'Sana magkaintindihan pa rin!'
"Sana balang araw, makahanap din kami ng tamang pag-ibig. ’Yung hindi nasusukat sa pera, status, o panlabas na imahe... kundi sa respeto, lambing, at tunay na partnership sa buhay."
"Gusto ko rin pasalamatan ang lahat ng tahimik na nag-abot ng malasakit: sa message, tawag, o kahit simpleng dasal. Salamat. Alam ko, hindi lang kami ang may ganitong sitwasyon pero sana maiayos din sa huli."
"Move on na tayo sa chismis, fake news, at paid drama. Ang dami pa nating kailangang ayusin sa bansa. Doon tayo mag-invest ng energy."
"Sa huli, hindi views, likes, o pera ang sukatan ng tao, kundi ang puso."
"Let’s choose to be kind," aniya pa.