Pinag-iisipan umanong tanggalin ang tatlong general education subjects na Art Appreciation, Contemporary World, at Ethics sa college curriculum dahil nasa curriculum na rin daw ito ng high school, batay sa pahayag ng isang opisyal mula sa Department of Education (DepEd) nitong Miyerkules, Mayo 28.
Ayon kay DepEd Assistant Secretary Janir Datukan, sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Basic Education and Culture ukol sa revised senior high school (SHS) curriculum, iniiwasan na raw ang duplikasyon ng mga asignatura o kursong pag-aaralan ng mga mag-aaral sa lalong mataas na antas, na kung tutuusin, ay kasama na raw sa mga asignaturang inaaral sa high school.
Sa pamamagitan ng pagtatapyas na ito, possible rin umano na mabawasan ang mga taon o semestreng dapat gugulin ng mga mag-aaral sa kolehiyo; na sa loob ng tatlo at kalahating taon ay puwede na raw magtapos o gumradweyt ang isang mag-aaral.
Inaasahang matatalakay na raw ang mga nabanggit na asignatura sa ipinapanukalang limang core subjects sa revised SHS curriculum. Ito ay ang:
1. Effective Communication (Mabisang Komunikasyon)
2. Life Skills
3. General Mathematics
4. General Science
5. Pag-aaral ng Kasaysayan at Lipunang Pilipino