Kinumpirma ni Ambassador Jose Manuel Romualdez na nakiusap na raw sila gobyerno ng Estados Unidos hinggil sa nakaambang pagpapa-deport nito sa mga ilegal immigrants patungong Libya.
Sa pahayag ni Romualdez noong Martes, Mayo 27, 2025, nanindigan siyang hindi raw hahayaan ng gobyerno ng Pilipinas na tuluyang maipatapon sa Libya ang mga Pinoy na nananatili pa ring ilegal na naninirahan at nagtatrabaho sa US.
“We definitely would not want them to be deported to a third country. If they are facing any criminal liability, then we will accept them to come to the Philippines and they will probably have to face our laws,” saad ng Ambassador.
Saad pa niya, karapatan daw ng mga Pinoy na dito sila sa Pilipinas ipa-deport.
“If you're a Filipino, then you have every right to be deported to the Philippines,” aniya.
Nakahanda rin daw ang bansa na tanggapin ang lahat ng mga Pinoy kung sakaling tuluyan silang maapektuhan ng malawakang deportasyong inimplementa ni US President Donald Trump.
“It is not in our DNA to allow that to happen. We will accept any Filipino to the Philippines, no matter what their status is,” saad ni Romualdez.
Nakatakda rin daw magpirmahan ang Pilipinas at US immigration hinggil sa pagbibigay ng legal assistance para sa mga Pinoy na maaapektuhan ng isyu ng deportasyon. Tinatayang nasa 100 hanggang 300 Pinoy daw ang nanganganib na nakasalang na ipatapon ng US.
Kaya naman payo ni Romualdez, “The best way is to always follow the legal path in anything that you do. You think you can get away with something today, but you can't get away with it forever.”