Nilinaw ng Metropolitan Manila (MMDA) na hindi nila papatawan ng paglabag sa no contact apprehension policy (NCAP) ang mga sasakyang magbibigay ng daan para sa mga emergency vehicles.
Sa Facebook post ng MMDA nitong Miyerkules, Mayo 28, 2025, inalmahan nila ang isang video mula sa post ng vlogger na si Quya Mhar TV-Katambayanan kung saan iginigiit nitong wala raw gustong magbigay ng daan sa isang ambulansya dahil sa implementasyon ng NCAP.
Mapapanood sa naturang video kung paano napapagitnaan ng mga sasakyan ang ambulansya na may text caption na “Dulot ng NCAP. Walang gutong magbigay-daan.”
Kaya naman paglilinaw ng MMDA, “Hindi maiisyuhan ng citation ticket ang mga sasakyan na nasa ganitong sitwasyon. Nararapat lamang na magbigay-daan ang mga motorista sa mga emergency vehicles gaya ng mga ambulansya, fire trucks, at iba pa.”
Iginiit din ng ahensya na dumadaan pa sa manual review ang lahat ng mga traffic violation na nakuhanan ng kanilang CCTV bago isyuhan ng ticket ang mga mapapatunayang lumabag na motorista.
“Ang mga sasakyan na nag-violate at nakunan ng CCTV cameras ay hindi automatic na natitiketan. Ang mga litrato at footages ay dumadaan sa manual review at validation alinsunod sa proseso ng NCAP,” saad ng MMDA.
Matatandaang noong Lunes, Mayo 26 nang muling ibinalik ng MMDA ang NCAP matapos suspindihin ang implementasyon nito noong 2024 matapos ang malawakang pag-kuwestiyon ng mga motorista.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Mga lugar na apektado ng pagbabalik ng 'No Contact Apprehension'