Naisyuhan na ng subpoena ang ilang mga ehekutibo ng Television And Productions Exponents (TAPE) Inc. kaugnay sa kasong estafa na isinampa laban sa kanila ng mga ehekutibo ng GMA Network.
Nagmula ang subpoena sa Quezon City Prosecutor's Office kung saan isinampa ang kaso laban sa mga TAPE executive na sina Romeo Jalosjos, Jr. (former President and CEO), Romeo Jalosjos, Sr. (Chairman of the Board), Seth Frederick 'Bullet' Jalosjos (Treasurer), Malou Choa-Fagar (former COO and current President and CEO), Michaela Magtoto (former Senior Vice President for Finance), at Zenaida Buenavista (Finance Consultant).
Nagmula umano ang reklamo ng GMA Network laban sa TAPE sa umano’y kabiguang ibigay ng mga respondent ang kita mula sa mga advertisement na nakuha nila sa kanilang mga kliyente. Ayon sa kontrata na tinatawag na "2023 Assignment Agreement," dapat sana ay napunta ito sa network, ngunit tila "inangkin" daw ng TAPE ang naturang halaga at ginamit ito para sa kanilang mga gastusin sa operasyon.
Magkakaroon ng mediation sa pagitan ng dalawang kampo sa Mayo 29, batay sa ulat ng "24 Oras."
Mababasa sa subpoena na may kaukulang consequence kapag hindi nakadalo sa nabanggit na mediation conference.
"Failure to attend the mandatory mediation conferences will serve as a waiver of your right under the said Department Circular and the conduct of preliminary investigation shall proceed accordingly," mababasa sa subpoena.
Inaasahang dadalo sa nabanggit na mandatory mediation conferences ang mga inireklamong TAPE executives at mga nagreklamong GMA Network officials.
KAUGNAY NA BALITA: GMA Network, binulaga ng reklamong estafa mga opisyal ng TAPE, Inc.