Nakumpiska sa 16-anyos na babae ang shabu na nagkakahalaga ng ₱1.4 milyon sa buy-bust operation na ikinasa ng Eastern Police District (EPD) sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City kamakailan.
Batay sa ulat ng pulisya, nakabili ang isang pulis na nagpanggap na buyer ng ₱1,000 halaga ng shabu mula sa suspek matapos ang ilang araw na surveillance.
Kinilala ang batang babae sa alias na “Indang” na ayon sa EPD ay itinuturing bilang bagong high value target sa ilegal na droga.
Narekober ng mga awtoridad kay Indang ang tinatayang 208.2 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱1,415,760.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng Social Welfare and Development ng Pasig City ang bata.
Nakahanda na sa kaniya ang kasong haharapin niya dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.