Ipinagdiinan ni outgoing Sen. Ramon "Bong" Revilla, Jr. na hindi siya "onion-skinned" o dinamdam ang kaniyang pagkatalo sa senatorial race, subalit nalulungkot daw siya sa naging resulta sa kaniya ng mga nagkalat na "fake news" na sumira umano sa kaniyang reputasyon.
Sa panayam ng ilang reporter kay Revilla, nalulungkot daw siya dahil naging biktima siya ng fake news at maraming mga netizen, na mga botante, ang napaniwala rito.
"I'm sad dahil nabiktima tayo ng fake news, napaniwala nila ang ibang tao na 'yon ang totoo," anang outgoing senator.
Kaya naman, palagay ni Revilla ay kailangan na niyang kumilos at mag-file ng kaso laban sa mga taong nasa likod ng mga umano'y pekeng balita laban sa kaniya, sa social media at online platforms.
KAUGNAY NA BALITA: Kaya raw natalo: Mga nanira kay Bong Revilla sa social media, lagot!
Giit ni Revilla, hindi raw dapat lokohin ang taumbayan, lalo na ang kabataan.
"Hindi dapat lokohin ang taumbayan lalo na sa kabataan ngayon, which is alam naman natin na maraming kabataan na bumoboto, hindi nila alam ang nangyari in the past years kaya dapat ma-inform sila," aniya pa.
Pakiramdam din ni Revilla na "orchestrated" ang nangyari sa kaniya, subalit tumangging magbanggit ng "kulay" sa kung sino ang may pakana nito.
Ipinagdiinan din ni Revilla na hindi siya onion-skinned o balat-sibuyas sa pagkatalo dahil marami na siyang mas matitinding pinagdaanan noon subalit hindi na raw niya palalagpasin ngayon.