May 29, 2025

Home BALITA National

285 solon suportadong manatili si Romualdez sa pagka-House Speaker

285 solon suportadong manatili si Romualdez sa pagka-House Speaker
Photo courtesy: Manila Bulletin file photo

Buo pa rin daw ang suporta ng House of Representatives para manatili sa puwesto si House Speaker Martin Romualdez sa kaniyang posisyon ayon sa kumpirmasyon ni Deputy Speaker David Suarez.

Sa kaniyang pahayag noong Linggo, Mayo 25, 2025, iginiit niyang nasa 285 na raw na mga kongresista ang nagpahayag ng kani-kanilang pagsuporta para kay Romualdez.

"As of today, 285 House members have expressed support for Speaker Romualde, with 278 lawmakers having signed formal declarations, including four of six members of the LP [Liberal Party] who are now part of the larger movement for legislative continuity and national stability," ani Suarez.

Ipinagmalaki rin ni Suarez na nadomina na raw ng supermajority bloc ang Kamara na binubuo ng Lakas Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), Nacionalista Party, National Union Party, Nationalist People's Coalition, Partido Federal ng Pilipinas, Party-list Coalition Foundation Inc., at Liberal Party.

National

Tatlong GenEd subjects, tatapyasin sa college curriculum?

Samantala, matatandaang ibinahagi na rin ni Vice President Sara Duterte na kinukumbinse niya ang kaniyang kapatid na si Davao 1st district Rep. Paolo Duterte bilang maging House Speaker. Ayon pa kay VP Sara, wala pa raw kasing lumalapit sa kaniya mula sa Senado at Kamara upang magpa-endorso bilang Senate President at House Speaker.

“Sinabihan ko si Congressman Pulong. Sabi ko sa kaniya, ‘Baka gusto mo lumaban ng Speaker?’ Hindi pa siya sumagot. Inisip din n’ya siguro yung chances niya na manalo,” anang Pangalawang Pangulo.

Dagdag pa niya, “Sinabi ko sa kaniya, ‘Kung hindi ka manalo ng Speaker, then kunin mo yung minority’… Wala akong candidate for Speaker or for Senate President. Wala din lumapit sa akin for Speaker or for Senate President.” 

KAUGNAY NA BALITA: Pulong, balak itapat ni VP Sara kay Romualdez sa House Speakership?