Pormal at opisyal nang nanumpa sa pagkasenador ang re-elected na si Sen. Lito Lapid sa pamamagitan ng isang simpleng seremonya sa Porac, Pampanga, Sabado, Mayo 24.
Mababasa sa opisyal na Facebook page ng senador, nanumpa si Lapid sa kapatid niyang si Kapitan Arturo M. Lapid, Punong Barangay ng Poblacion, Porac, Pampanga.
Ito na ang ikaapat na termino ni Sen. Lapid sa senado simula noong 2004.
Ayon sa post, nagpapasalamat si Sen. Lapid sa mahigit 13 milyong botanteng nagtiwala at nagbigay sa kaniya ng bagong mandato, na magsisimula sa pagbubukas ng 20th Congres sa Hunyo.
Nangako si Sen. Lapid na isusulong ang mga panukalang batas na makatutulong sa mga mahihirap na mamamayan.
"Sa ating mga kababayan na tumulong sa akin at sumuporta, maraming salamat po. Dahil sa patuloy nila akong minamahal ay papalitan ko rin po ito ng pagmamahal at malinis na pagseserbisyo sa ating mga kababayan," aniya.
"Gagawa at gagawa ako ng mabuting paraan upang mapagserbisyuhan ang ating mga kababayan, lalo na ang mga mahihirap. Maraming maraming salamat po sa suporta at pagmamahal nyo," dagdag pa ng senador.
KAUGNAY NA BALITA: Bakit laging panalo? Netizens, napa-research sa mga nagawa ni Sen. Lito Lapid