Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na makikipagtulungan daw sila sa mga bagong halal na politiko upang ipagpatuloy ang kanilang kampanya kontra ilegal na droga.
“Kakatapos lang ng national and local elections. May mga bagong halal tayo na mga mayor, mga councilor. Ika-capacitate natin sila para maintindihan nila na itong laban natin sa droga ay hindi lamang dapat tinitignan sa law enforcement perspective. Kailangan pagtulungan ito ng lahat ng mga ahensiya ng gobyerno, lalong lalo na ng ating komunidad” ani PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo sa kaniyang apanayam sa Super Radyo dzBB nitong Linggo, Mayo 25,2025.
Binanggit din ni Fajardo ang iba pang patakarang binabalak ng PNP sa bawat komunidad.
“Isa pa sa gusto rin nating isulong ang pagpapasa ng mga barangay ordinances. Siguro sa iba, maliit na bagay ito. Gusto natin, pati sa barangay level pa lang ay nakakapagpasa sila ng mga anti-illegal drugs initiatives and programs, pati na yung simple lang, yung mga curfew hours,” ani Fajardo.
Kaugnay nito, ipinagmalaki din ng PNP na tinatayang nasa ₱43 bilyon na na raw ang kabuuang halaga ng iligal na droga ang kanilang nasabat sa unang tatlong taon ni PBBM—mas mataas umano kumpara sa kaparehang panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na nasa ₱14.3 bilyon lamang.