Ibinahagi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang bagong cancer institute na mapupuntahan ng mga taga-Norte.
Sa isang Facebook post noong Sabado, Mayo 24, makikita ang larawan ng naturang pasilidad na matatagpuan sa Dagupan City.
“Hindi na kailangang pumunta pa sa Maynila para magpagamot ng cancer ang mga kababayan natin sa Norte,” saad ng pangulo. “Sa bagong Cancer Institute sa Dagupan, may chemo, radiotherapy, at iba pang makabagong lunas dito na mismo sa probinsya.”
Dagdag pa niya, “Sa Bagong Pilipinas, patuloy nating inilalapit ang serbisyong medikal sa bawat Pilipino sa tulong ng mga BUCAS Center at specialty hospitals sa buong bansa.”
Nagbibigay ang cancer institute ng mga kaukulang serbisyo para sa mga pasyenteng nangangailangan ng pediatric oncology at hematology, medical at radiation oncology, gynecology at surgical oncology, targeted therapy, at blood transfusion.