Kinumpirma ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na iniimbestigahan na ang paglitaw ng mga pangalang Chel Diokno at Marian Rivera sa imbestigasyon ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Adiong, nagsasagawa na raw ng verification ang Philippine Statistics Authority (PSA) at National Bureau of Investigation (NBI) upang matukoy kung may kinalaman daw ang mga pangalang nabanggit kina Akbayan Rep. Atty. Chel Diokno at Kapuso star Marian Rivera.
“Apparently two individuals coincidentally have the same names with a celebrity and a renowned lawyer who is now to become part of the 20th Congress,” ani Adiong.
Dagdag pa niya, “Which to my mind, medyo nakakatawa dahil mukhang ang pangalan naman ‘Chel’ ay hindi so common.”
Matatandaang nauna nang inalmahan ni Diokno ang pagkakadawit ng kanilang pangalan ng aktres kung saan diretsahan niyang iginiit na kawalanghiyaan na raw ito.
“Lahat na ba nasa listahan ng confidential funds? Pati ba naman pangalan namin ni Ma’am Marian dinamay nila! Grabe ang kawalang-hiyaan!” anang Akbayan Representative.
Laman ng naturang FB post ang isang link ng isang lokal na pahayagang nagsasaad na kapuwa nakatanggap umano ng tinatayang ₱100,000 si Marian at Chel mula sa umano'y nakalkal na resibo sa imbestigasyon ng confidential funds ni VP Sara.
KAUGNAY NA BALITA: Atty. Chel Diokno, benepisyaryo daw ng confidential funds ni VP Sara?
Isa si Diokno at Congresswoman-elect Leila de Lima sa mga uupong prosecutor para sa nakabinbing impeachment trial ng Bise Presidente kung saan isa sa mga inaasahang mauungkat ay ang umano'y maanomalya niyang paggamit ng confidential funds.
KAUGNAY NA BALITA: Bukod kay De Lima: Diokno, uupong prosecutor sa impeachment ni VP Sara