Usap-usapan ng mga netizen ang part 2 ng episode ng nagbabalik na "Maalaala Mo Kaya" o MMK patungkol sa malagim na pagpaslang kina Crizzle Gwynn at Crizville Louis Maguad noong 2021.
Dahil sa napakamaselang krimeng naranasan ng magkapatid na Maguad, gayundin sa epekto nito sa mga suspek na menor de edad pa lamang nang mga sandaling naganap ang pagpaslang, umani ito ng iba't ibang diskusyon mula sa mga netizen, at ilang mga paksa ang nabuksan kagaya na lamang ng Republic Act 9344, o Juvenile Justice and Welfare Act na inakda noon ni Senator-elect Kiko Pangilinan, gayundin ang patungkol sa adoption o pag-aampon.
Kaya naman, naglabas na ang pamunuan ng nasa likod ng MMK upang ipaliwanag ang kanilang intensyon hinggil sa muling pagkukuwento ng crime story sa likod ng Maguad siblings.
Mababasa sa kanilang opisyal na pahayag ang pasasalamat nila sa mga tumangkilik ng palabas, kahit na una nila itong ipinalabas sa iWantTFC.
Sumunod, sinabi nilang kinikilala nila ang mga concerns patungkol naman sa adoption at foster care community.
"This story has opened a conversation with difficult and necessary questions. It is a painful and rare tragedy. It does not, and never will, represent the many beautiful and successful adoption and foster care stories out there."
"MMK is committed to remain a platform for stories that reflect the real and raw, and the resilient—stories that help us move forward better and as one."
"We understand that this may evoke strong emotions and concerns from the adoption and foster care community. We hear you, and we hold your stories with care."
Hinikayat naman ng pamunuan na makipag-ugnayan sa National Authority for Child Care (NACC) para sa mga legal na proseso ng adoption at alternative child care.