May 25, 2025

Home BALITA

Lalaking namatay sa rabies, nakapag-‘I love you’ pa, bago bawian ng buhay

Lalaking namatay sa rabies, nakapag-‘I love you’ pa, bago bawian ng buhay
Photo courtesy: Contributed photo

Usap-usapan sa social media ang video ng isang lalaking namatay matapos tuluyang kumalat ang rabies sa kaniyang katawan.

Ayon sa ulat ng GMA Integrated News noong Sabado, Mayo 24, halos 9 na buwan na ang nakalipas matapos makagat ng aso ang biktima ngunit noong Mayo 18 nang tuluyan siyang binawian ng buhay bunsod ng rabies ng asong nakakagat sa kaniya.

Noong Agosto 2024 daw nang nakagat ang biktima ng aso ng kaniyang kapatid na halos matanggal na raw ang kuko niya sa kamay. Matapos daw makagat, ay agad na naulol ang aso kaya napilitan ang may ari nito na patayin ang naturang alaga.

Ayon sa misis ng biktima, isang beses lang daw na nagpaturok ng anti-rabies vaccine ang kaniyang asawa dahil abala raw ito sa pagtatrabaho bilang factory worker.

Eleksyon

Re-elected na si Lito Lapid, nakapanumpa na bilang senador sa utol niya

Habang noong Mayo 15 nang makaranas na raw ng sintomas ang biktima. Ayon daw sa unang ospital na pinanggalingan ng biktima, acid-reflux lang daw ang nararanasan niya. Hanggang sa lumala daw ang mga sintomas nito ng rabies katulad ng pagkahingal, hydrophobia (takot sa tubig) at aerophobia (takot sa hangin).

Mula sa Laguna, dinala raw nila sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang biktima kung saan tuluyan siyang tinaningan ng huling 48 oras.

Batay sa video na ibinahagi ng misis ng biktima, mapapanood kung paano siya tuluyang nawala sa sarili habang nakatali ang kaniyang mga katawan sa hospital bed. Nagawa pa nitong makasambit ng mga katagang “I love you” sa kaniyang misis at saka tuluyang nalagutan ng hininga.

Pagbabahagi pa ng misis ng biktima, isang recorded video rin daw ang ginawa ng kaniyang asawa na tila huling mensahe bago mawala sa kaniyang sarili.

“Pasalamat ako sa aking asawa… at sa aking mga anak, mag-ingat kayo palagi,” anang biktima.

Nakaburol na ang biktima matapos siyang i-cremate kung saan naulila niya ang kaniyang misis, at dalawang anak na babae na pitong taong gulang at 9-anyos habang nakatakda pa lamang sana isilang ang kanilang bunsong anak.

BASAHIN: Ang buong Marso bilang Rabies Awareness, Fire Prevention at Women's Month