Natimbog ng mga awtoridad ang mga suspek na nagnakaw umano sa brass plate ng isang monumento ng mga guerilla sa barangay Alabang, Muntinlupa City.
Ayon sa Facebook post ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon noong Sabado, Mayo 24, 2025, nakahanda pa silang magbigay ng tinatayang ₱100,000 para sa makakapagturo daw ng pagkakakilanlan ng mga suspek o anumang impormasyon hinggil sa ninakaw na brass plate.
“Magbibigay ako ng Reward na ₱100,000.00 para sa impormasyon para makilala at mahuli ang kumuha ng mga brass na plake na nagsilbing marker sa monumento ng mga bayani sa plaza ng barangay Alabang,” ani Biazon.
Habang nitong Linggo, Mayo 25 nang tuluyang nasakote ng pulisya ang mga suspek na nagnakaw sa bahagi ng nasabing monumento kung saan napag-alamang ibinenta nila ang nasabing brass plate sa isang junkshop.
Ayon pa kay Biazon, hindi na raw nila nabawi ang brass plate sa junk shop na pinagbentahan ng mga suspek dahil posible na raw itong tuluyang tinunaw.
“Nahuli agad ang mga suspects at nakilala din kung saan nila binenta ang mga bakal na plake. Yun nga lang mukang nabenta na din sa tunawan,” anang alkalde.
Nasa kustodiya ng pulisya ang mga suspek habang nakatakda rin daw kasuhan ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa City ang junk shop na pinagbentahan ng brass plate. Posible raw maharap sa reklamong paglabag sa Anti-Fencing Law ang naturang junk shop.