Posible umanong umabot ng milyon ang halaga ng nasirang bahagi ng BRP Datu Sanday-isa sa mga research vessel ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na binomba ng tubig at ginitgit ng Chinese Coast Guard.
Sa news forum nitong Sabado, Mayo 24, 2025, kinumpirma ni BFAR spokesperson Nazario Briguera ang nasabing pinsala sa BRP Datu Sanday.
"It would entail thousands of pesos yung sa danyos. Yung mga barko natin hindi naman basta-basta ang materials, thousands or maybe a millions pesos," saad ni Briguera.
Matatandaang noong Huwebes, Mayo 22, nang bombahin ng water canon ng Chinese Coast Guard ang dalawang research vessel ng BFAR na naoo'y magsasagawa ng pagsusuri sa Pag-asa Cay sa West Philippine Sea.
KAUGNAY NA BALITA: Research vessels ng BFAR, binomba ng tubig at ginitgit ng Chinese Coast Guard
"Kumukuha ng mga samples para malaman ang actual state ng mga resources, marine resources...para malaman aktwal na estado at gaano kalawak ang resources ng West Philippine Sea," saad ni Briguera.
Nanindigan din siya na hindi raw magpapatinag ang ahensya sa pagsasagawa ng kanilang pagsusuri sa Pag-asa Cay sa kabila ng patuloy na panggigipit ng China sa karagatan ng bansa.
"Hindi ito magiging dahilan para tumigil tayo na gawin ang misyon, mandato ng ahensya sa pakikipagtulungan ng ibang concerned agency like the Philippine Coast Guard… nasa karagatan tayo na sakop ng teritoryo ng Pilipinas, may karapatan tayo na magsagawa ng mga gawain, ayon sa mandato ng aming ahensya," aniya.