Pinangalanan na ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang ilang miyembro ng gabinete ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na mananatili at naalis mula sa kanilang posisyon.
Sa press briefing nitong Biyernes, Mayo 23, 2025, binanggit ni Bersamin ang magiging pagbabago mula sa Environment Secretary at iba pang departamento.
Ayon kay Bersamin, nakatakdang maging bagong kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) si Energy Secretary Raphael Lotilla. Papalitan niya si DENR Sec. Ma. Antonia Yulo-Loyzaga.
Nang tanungin ng media kung maikokonsidera daw bang underperform o kung nagpabaya si Yulo, sagot ni Bersamin: “I don't know how fair or unfair that perception is, na mas malimit siya sa labas ng bansa. Yun ang recurring na pinapadating sa amin. Ngunit huwag na natin siyang husgahan. Whether inefficiency pa 'yan o hindi, that's not up for us to do.”
Dagdag pa niya, “The evaluation showed that it was time to have her rest muna.”
Samantala, nakatakda namang palitan ni Energy Undersecretary Sharon Garin ang posisyong babakantihin ni Lotilla sa Department of Energy (DOE).
Magiging Presidential Adviser for Pasig River Development naman si Department of Human Settlements and Urban Development Secretary Jose Acuzar.
Nakatakda namang maging Foreign Affairs Secretary is Undersecretary Tess Lazaro matapos ang nakaambang paglipat ni DFA Sec. Enrique Manalo bilang kinatawan ng bansa sa United Nations.
Kaugnay nito, nauna nang igiit ni Bersamin na limang miyembro ng economic team ni PBBM ang mananatili pa rin sa puwesto matapos hindi tanggapin ng Pangulo ang kanilang courtesy resignation.
KAUGNAY NA BALITA: Economic team ni PBBM, mananatili sa puwesto—Bersamin
Matatandaang noong Huwebes, Mayo 22, nang ihayag ng Presidential Communications Office (PCO) ang naturang desisyon ni PBBM na isaayos ang kaniyang gabinete dahil sa kagustuhan daw ng taumbayan nang mas mabilis na resulta mula sa kaniyang administrasyon.
KAUGNAY NA BALITA: Pakikinggan ang mga tao? PBBM, pinagre-resign mga miyembro ng gabinete
Samantala, nilinaw naman Palace Press Undersecretary Claire Castro na mananatili pa rin sa puwesto ang lahat ng gabinete ni PBBM hangga’t wala raw pinal na desisyon ang Pangulo kung tuluyan silang papalitan sa puwesto.
KAUGNAY NA BALITA: Mga gabinete, mananatili sa puwesto hanggang sa ma-elbow ni PBBM—Palasyo