"Walang puwang ang tamad at korap."
Ito ang saad ni Palace Press Officer Claire Castro matapos manawagan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ng courtesy resignation sa mga miyembro ng gabinete.
Matatandaang iginiit ni Marcos na ang naturang panawagan niya ay naglalayong mabigyan siya ng pagkakataon upang suriin ang "performance" ng bawat departamento.
BASAHIN: Pakikinggan ang mga tao? PBBM, pinagre-resign mga miyembro ng gabinete
Sa press briefing nitong Huwebes, Mayo 22, sinabi ni Castro na hindi maaapektuhan ng courtesy resignation ang mga "pending at existing project."
"Hindi po maaapektuhan ang mga pending at existing projects habang ito ay may transition at tuloy-tuloy lamang po ang pagtatrabaho ng mga cabinet secretary at mga tao sa gobyerno," saad ng Palace press officer.
Dagdag pa niya, ito na ang pagkakataon ng mga cabinet secretary na mapatunayang dapat pa silang manatili sa posisyon.
"Mas maganda po itong maipakita rin ng mga heads of agency [at] cabinet secretaries na sila ay naaayon sa goal ng pangulo. Ipinakita nila ay dapat na manatili bilang parte ng administrasyon ng ating pangulo," saad ni Castro.
"Sabi nga natin, walang puwang ang tamad at korap sa administrasyon ni Pangulong Marcos Jr.."
Samantala, isa-isa nang nagbitiw sa kani-kanilang puwesto ang mga miyembro ng gabinete.