Balita tungkol sa "courtesy resignation" ang bumungad sa umaga ng Huwebes, Mayo 22, matapos ihayag ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. na hinihimok niya ang mga miyembro ng kaniyang Gabinete na magbitiw sa kanilang mga tungkulin, para sa balak na "recalibration" ng pamahalaan.
Dahil dito ay isa-isa na ngang nagbitiw sa kanilang mga posisyon ang mga miyembro ng gabinete bilang pagsunod daw kay PBBM, sa pangunguna ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
"This is not business as usual,” saad ng Malacañang sa isang media release.
“It’s time to realign government with the people’s expectations.”
“This is not about personalities—it’s about performance, alignment, and urgency."
Sa isinagawang press briefing ni Palace Press Secretary Claire Castro sa kaparehong araw, sinabi niyang ang nabanggit na panawagan ng courtesy resignation ay magbibigay ng karampatang panahon sa pangulo para tayain o i-evaluate ang naging performance ng mga miyembro ng Gabinete.
Kapag nakita ng Pangulo na mahusay niyang nagampanan ang tungkulin batay sa kaniyang performance, maaaring makabalik sa puwesto ang nabanggit na miyembro ng Gabinete; pero kung hindi naman, tuluyan na umano siyang sisibakin.
"Unang-una, kung gaano nga ba kabilis ang kanilang performance at kung may issue ba ng korapsyon. So hindi lamang performance 'to, titingnan din po nila kung nagkakaroon pa ng issue ng anomalya sa kanilang pagha-handle ng agencies," anang Undersecretary.
Paglilinaw pa ni Castro, nagpasa na ng resignation letters ang mga gabinete ni PBBM, mananatili pa rin sila sa posisyon hangga’t wala pang pinal na desisyon ang Pangulo kung tuluyan silang papalitan o hindi.
“Yes, mananatili sila sa kanilang posisyon. Siguro ito na yung tamang panahon para ipakita nila na dapat silang manatili sa kanilang posisyon pero kapag nakita po talaga ng Pangulo na hindi mo deserve ang iyong posisyon, you will be out,” ani Castro.
KAUGNAY NA BALITA: Gabinete ni PBBM, kailangang may mapatunayan para manatili sa puwesto—Palasyo
Samantala, pinagkatuwaan naman ito ng iba't ibang netizens at sinakyan na rin ng iba't ibang social media pages, dahil ang araw na ito pala ay "National Resignation Day." Isa na rito ang Facebook page na "Follow The Trend Movement" o FTTM.
"mag-resign ka na rin," mababasa sa caption ng kanilang post, na kalakip na art card na "national resignation day."
Ilang netizens pa ang nagbirong parang bet din nilang gayahin ang nabanggit na resignation sa mga kompanya o trabahong kanilang pinapasukan.
Narito ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens:
"Too risky to share"
"How to unsee"
"Sana sabihan din kami ni Boss hahaha."
"Puwede ba ganito sa office? Haha."
"Thank you po sa motivational quote of the day."
"eto po ba ang sign na hinihingi ko!?"
Ikaw, nagpasa ka na ba ng resignation letter mo?