Nilinaw ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Larry Gadon na magsusumite raw siya ng resignation, taliwas sa nauna niyang pahayag.
Sa opisyal niyang Facebook page, ipinaliwanag ni Gadon na hindi raw niya alam na kasama ang mga presidential advisers sa courtesy resignation na ipinataw ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. sa lahat ng miyembro ng gabinete nitong Huwebes, Mayo 22, 2025.
KAUGNAY NA BALITA: Pakikinggan ang mga tao? PBBM, pinagre-resign mga miyembro ng gabinete
"When I was asked by Ms. Cheryl Cosim, if I am going to submit my courtesy resignation, I responded ‘no,’ that I am a presidential adviser and that my understanding is that only cabinet officials handling line agencies are the ones covered by the directive," saad ni Gadon.
Dagdag pa niya, hindi niya raw alam ang guidelines na ibinaba ni Palace Press Undersecretary Claire Castro patungkol sa kung sino ang saklaw ng naturang direktiba ni PBBM.
"At that particular moment, I have not learned about the guidelines announced by Usec Claire Castro yet. Hindi ko alam may announcement pala si Usec Claire Castro about all the officials covered," ani Gadon.
Inihayag din niya na nakatakda na raw siyang magsumite ng kaniyang resignation batay sa naging mandato ng Pangulo.
"And so now that the coverage is well defined, I am submitting the courtesy resignation as directed by the President," aniya.
Kaugnay nito, nilinaw din ni Usec. Castro na nasa Pangulo pa rin ang desisyon kung tuluyan niyang tatanggalin sa puwesto ang kanmiyang mga gabinete matapos nilang magsumite ng kani-kanilang resignation.
KAUGNAY NA BALITA: Mga gabinete, mananatili sa puwesto hanggang sa ma-elbow ni PBBM—Palasyo