Nanindigan si Sen. Risa Hontiveros na wala raw siyang planong sumama sa kung sakaling magkaroon ng “Duterte bloc” sa Senado sa pagpasok ng 20th Congress.
Sa kaniyang press briefing nitong Miyerkules, Mayo 21,2025, diretsahang iginiit ni Hontiveros na tatayo na lamang siya bilang independent bloc sa Senado kaysa sumama sa Duterte bloc.
“Magsama? Well, wala po akong planong sumali sa isang Duterte bloc,” ani Hontiveros.
Dagdag pa niya, “Kung sinasabi nila na oposisyon sila [Duterte allies], senyales na naghahanda silang mag-vie para maging minority bloc o minority dito sa Senado.”
Bagama’t wala pa rin daw napapag-usapan patungkol sa magiging pagbabago sa Senado, mananatili pa rin daw si Hontiveros na walang papanigan sa pagitan ng pro-administration at Duterte bloc na inaasahang maging oposisyon.
“Kung anuman ang maging final organization dito sa senado, basta ang importante sakin ay may manatili na isang pole, isang poste, isang center of gravity na patuloy na magche-check and balance, na patuloy na mag-fiscalize whether 'yan po ay yung minority sa 20th congress o isang independent bloc,” saad ni Hontiveros.
Samantala, matatandaang nauna nang igiit ng Palasyo na bukas umano ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa pagpasok daw ng mga oposisyon ngunit kasabay nito ang paglaban daw sa mga pekeng oposisyon.
“Inaasahan din po ng administrasyon ang presensya ng lehitimong oppositionist pero lalabanan po ang mga obstructionist na nagtatago sa pangalan ng oppositionist... mga obstructionist na maaaring pansarili lamang ang kanilang ilalaban,” ani Palace Press Undersecretary Claire Castro.
KAUGNAY NA BALITA: PPBM admin, tanggap pagpasok ng 'tunay na oposisyon' sa Senado; 'pekeng oposisyon,' lalabanan!
Ayon kay Sen. Bato dela Rosa, kasama siya at sina Sen. Robin Padilla, Bong Go at Imee Marcos ang bubuo sa Duterte Bloc habang patuloy pa nilang kinakausap ang iba pang mga senador. Inaasahang namang makakasama ni Hontiveros sa independent bloc sina Senator-elect Kiko Pangilinan at Bam Aquino.