Bagama’t hindi sang-ayon sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, kailangan pa rin daw gampanan ni Senador Jinggoy Estrada ang kaniyang tungkulin bilang miyembro ng Senado.
Sa isang pahayag nitong Martes, Mayo 20, nagbigay-reaksyon si Estrada kaugnay sa pagiging bukas ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. na makipagkasundo sa mga Duterte.
Matatandaang noong Lunes, Mayo 19, sinabi ni Marcos na bukas siyang makipagkasundo sa mga Duterte dahil, aniya, ayaw niya ng gulo.
BASAHIN: PBBM, bukas na makipagkasundo sa mga Duterte: 'Ayoko ng gulo'
“By expressing his desire to reconcile with the Dutertes, the President demonstrates his intent to rise above political bickering and focus on national healing and progress,” saad ni Estrada.
“Gaya nga ng sinabi ng Pangulo, ngayong tapos na ang eleksyon, tapos na ang batuhan ng putik, mas mabuti na ituon naming mga halal na opisyal ang atensyon sa tunay na gawain sa gobyerno – ang pagbuo ng bansa para sa kabutihan ng lahat,” dagdag pa niya.
Nasabi rin ng senador na “reconciliation” ang kaniyang panawagan at dasal noon para kina Marcos at Vice President Sara Duterte, at hanggang ngayon ito pa rin ang kaniya raw hiling.
Giit pa niya, hindi siya sang-ayon sa pagsasagawa ng impeachment trial laban sa bise presidente, aniya, magdudulot lamang ito ng pagkakawatak-watak.
“Sa mula’t mula pa, hindi ako sang-ayon sa pagsasagawa ng impeachment trial dahil magdudulot lamang ito ng pagkakawatak-watak nating mga Filipino,” saad ni Estrada.
“But as duly elected members of the Senate, we are mandated by the Constitution to act on any impeachment complaint. The Filipino people deserve nothing less than a Senate that upholds integrity, objectivity, and respect for due process.”