Lumalabas umano sa imbestigasyon na dati nang nakulong ang nagpakilalang doktor na tumuli sa isang 10-anyos na batang lalaki sa Balut, Tondo, Maynila na naging dahilan ng kaniyang pagkamatay.
Sa ulat ng "Unang Balita" ng Unang Hirit, morning show ng GMA Network, nakulong na raw dati ang nabanggit na doktor dahil sa kaso ng umano'y pagpapanggap bilang isang doktor, gamit ang pangalan ng ibang lisensyadong doktor, gayundin ang license number nito para makapag-isyu ng mga medical certificate.
Batay rin sa barangay, wala umanong kaukulang permit ang lying-in clinic ng suspek kaya hindi siya lehitimo at maaaring magsagawa ng mga medical procedure gaya ng circumcision.
Ayon pa sa ulat, 2023 pa nang salakayin ng CIDG Intelligence Unit ang klinika matapos makatanggap ng mga tip na isang babaeng senior citizen ang "impostor" na umano'y lisensyado siyang doktor at tumatanggap ng mga pasyente.
Saad daw ng barangay, nakapagpiyansa ang suspek kaya nakalaya ito. Napag-alamang hindi pala huminto ang suspek sa kaniyang gawain.
Ang nabanggit na suspek ay dati raw midwife o komadrona.
Isasailalim na rin sa autopsy ang bangkay ng biktima upang malaman ang mismong sanhi ng kaniyang ikinamatay. Samantala, dumulog na rin ang pamilya ng biktima sa National Bureau of Investigation (NBI) upang mapanagot daw ang mga suspek sa pagkamatay ng kanilang anak.
“Whatever will be the result (cause) of the death ipapatawag namin, isu-subpoena namin yung doctor na nagtuli,” ani NBI Director Jaime Santiago.
Posibleng maharap sa sa kasong medical malpractice o reckless imprudence resulting in homicide ang doktor kung sakaling mapatunayang may kinalaman ang isinagawa niyang operasyon sa pagkamatay ng biktima.
KAUGNAY NA BALITA: 10-anyos na bata patay matapos magpatuli sa isang clinic sa Tondo