Nakatakda umanong turuan ng basic Korean language ang ilang tourist protection desk na nasa mga lugar na may mataas na crime rate na banta sa seguridad ng Korean nationals at iba pa.
Ayon sa pahayag ni Undersecretary Gilbert Cruz, executive director ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) noong Martes, Mayo 20, 2025, napagkasunduan angnaturang plano kasama ang ilang South Korean diplomats.
“Actually sabi nga nila, kapag nabuo na iyong tourist protection desk na iyan, we are willing to send iyong mga police na tatao diyan para matuto sila nung basic Korean language,” ani Cruz.
Dagdag pa niya, “So, willing po silang turuan iyong atin pong mga kapulisan and natuwa naman po kami, kasi itong pag-solve talaga ng krimen is hindi naman po talagang solely sa pulis iyan, kasama po dito iyong community.”
Nilinaw din ni Cruz na ang karaniwang krimeng nararanasan ng ilang Korean nationals katulad ng theft, homicide at fraud ay hindi lang daw kagagawan ng mga Pinoy kundi pati na rin ng mga kapwa nila banyaga.
“Actually hindi naman po lahat ginawa ng mga Filipino. Iba po ang may gawa rin, mga kapatid din po nila, mga foreigners din,” aniya.
Nakipag-ugnayan na rin daw sila sa embahada sa naturang plano para sa pagpapaigting ng seguridad para sa mga turista sa bansa.
“Naipaliwanag naman po natin iyan sa embahada… Ang sinasabi lang po nila, dapat magkaroon talaga ng pulis doon sa lugar na iyon kasi kung may pulis doon sa lugar na iyon, hindi sana nangyari or na-prevent o nahuli sana nang maaga iyong suspect,” anang PAOC chief.