May 21, 2025

Home BALITA National

Palasyo, may nilinaw sa 'reconciliation' remark ni PBBM: 'Wag lamang mag-focus sa mga Duterte'

Palasyo, may nilinaw sa 'reconciliation' remark ni PBBM: 'Wag lamang mag-focus sa mga Duterte'
Photo courtesy: Screenshot from RTVM, Bongbong Marcos/YT and file photo

Iginiit ni Palace Press Undersecretary Claire Castro na huwag lamang daw ituon ng publiko sa mga Duterte ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. tungkol sa pagiging bukas niyang makipag-ayos sa kaniyang mga kaaway.

Sa kaniyang press briefing nitong Miyerkules, Mayo 21, 2025, nilinaw niyang hindi lamang daw limitado sa mga Duterte ang tinutukoy ng Pangulo.

“Tandaan po natin, huwag po tayong mag-focus sa nasabing open for reconciliation [na] na para lamang sa mga Duterte. Malinawag po ang sinabi ng Pangulo [na] sa lahat ng tao, na maaaring hindi kapareho ng kaniyang paniniwala o ng prinsipyo o ng polisiya,” saad ni Castro.

Nang tanungin ng media kung paano nakakaapekto ang naturang rekonsilasyon ng Pangulo sa nakabinbing impeachment ni Vice President Sara Duterte, paglilinaw ni Castro, “So huwag nating isentro ang open for reconciliation sa mga Duterte. Hindi po gagawin ng Pangulo na lumabag sa batas para lamang sa isang rekonsilasyon.”

National

Sen. Robin nakapag-breakfast meeting kasama si FPRRD; standee nga lang

Nagkomento rin si Castro sa naging pahayag ng ilang kaalyado ng mga Duterte na magiging posible lang daw na magkasundo muli ang panig ng PBBM admin at mga Duterte kung maibabalik sa bansa mula sa International Criminal Court (ICC) detention center si dating Pangulong Duterte.

“Tandaan po natin, hindi po magpapahawak sa leeg at hindi po magpapadikta ang Pangulo sa mali. Hindi po babaliktarin ng Pangulo ang batas para lamang pagsilbihan ang personal na interes ng iilan.

Matatandaang naging usap-usapan ang pahayag ni PBBM mula sa kaniyang podcast hinggil pagiging buukas niyang makipagkasundo sa mga Duterte.

“Mr. President, kayo po ba sa puso ninyo, gusto n'yo po bang makipagkasundo pa sa mga Duterte?" tanong ni Anthony Taberna sa naturang podcast episode.

“Oo. Ayoko ng gulo. Gusto ko makasundo lahat ng tao. Marami na akong kaaway, hindi ko kailangan ng kaaway, kailangan ko ng kaibigan,” anang Pangulo. 

KAUGNAY NA BALITA: PBBM, bukas na makipagkasundo sa mga Duterte: 'Ayoko ng gulo'

Samantala, wala pang inilalabas na pahayag ang kampo ng mga Duterte hinggil sa nasabing pahayag ni PBBM.