Iniulat ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia nitong Miyerkules na mahigit sa isang milyong botante ang nag-overvote sa katatapos na May 12 midterm polls.
Sa Kapihan sa Manila Bay media forum, sinabi ni Garcia na 1.3 milyon mula sa kabuuang 57 milyong botante ang sumobra ang boto para sa mga senador kaya't hindi nabilang ang mga ito.
“It’s 1.3 million voters who did not vote properly by voting for 13 or more senators,” ani Garcia.
Aniya pa, hindi naman aniya dapat na maging isyu ngayon ang overvoting dahil hindi naman ito naiiwasan at talagang nangyayari ito sa lahat ng halalan.
Tinukoy pa ni Garcia na sa 2022 polls, halos 900,000 botante rin ang nag-overvote ngunit hindi naman ito naging isyu.
“So why did it not become a big issue in 2022? There is overvoting in all elections—we can’t prevent that," aniya pa.
Samantala, nabatid na pagdating naman sa party-list race, nasa halos isang milyon naman ang nag-overvote.
Nauna rito, nagpahayag ng pagdududa si dating Comelec commissioner Rowena Guanzon sa napaulat na overvoting figures.
Matatandaang aabot sa 57,350,968,
mula sa kabuuang 69,673,653 rehistradong botante, ang nakaboto sa katatapos na midterm polls o may voter turnout na 82.20%.
Ito na umano ang pinakamataas na voter turnout na naitala ng Comelec para sa midterm polls.