Nagpasalamat si Senator-elect Bam Aquino sa isang leaf artist na inukit ang kaniyang mukha sa isang malaking dahon, matapos ang kaniyang pagkapanalo sa naganap na senatorial race.
"Napakahusay! Maraming maraming salamat, Joneil ng Ukit Neil!" pasasalamat ni Aquino sa leaf artist na umukit sa kaniyang mukha.
Kasunod nito, ipinangako ni Aquino na palalawakin pa niya ang batas hinggil sa "Libreng Kolehiyo" na siya ang principal sponsor.
"Pagbalik ko sa Senado sa June, mas palalawakin pa natin ang batas na Libreng Kolehiyo para mas maraming Pilipino pa ang makinabang nito. Salamat sa pagbahagi ng husay at galing niyo ni Tatay!" aniya pa.
Ibinahagi naman ni Aquino ang video reel ng proseso ng pag-ukit ng mag-ama sa nabanggit na malaking dahon.
Si Joneil Severino na siyang lumikha ng leaf artwork ni Aquino ay nagmula sa Gandara, Samar, at kilala sa paglikha ng leaf artwork ng iba't ibang sikat na personalidad mula sa Pilipinas at maging sa ibang bansa.
KAUGNAY NA BALITA: Artist mula sa Samar, ginawan ng artwork ang mukha ni Hesukristo gamit ang lalagyan ng chichirya